Usapang Ibon Yearend 2010
Talakayan hinggil sa pambansang kalagayan: Enero 26, 2010; Caritas Manila & IBON Center
Umasa ng malaki ang mamamayan sa pagluklok sa kapangyarihan ng bagong administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino. Nirehistro nito ang
matinding pagkamuhi sa itinakwil na gubyerno ni Arroyo at sa mga patakaran nitong nagdulot ng labis na kahirapan at paghihikahos ng bayan. Ipinangako ni Aquino na hindi lamang kabaliktaran kundi titiyakin ang matuwid na landas sa pamamahala ng gubyerno. Sumumpa itong papawiin ang kahirapan at korapsyon sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Pero anim na buwan ang nakalipas, patuloy pa ring naghihintay ang
mamamayan ng kaganapan sa mga pangakong ito. Patuloy ang pagtindi ng paghihikahos ng mamamayan, lalong lumalala ang kriminalidad at ligalig sa lipunan. Hindi pa rin nananagot ang rehimeng Arroyo at patuloy pa ring nasa gubyerno ang mga korap at lumustay sa pera ng bayan. Binabagabag pa rin ang lipunan ng kawalang trabaho, dumadausdos na kita, papaliit na serbisyong panlipunan at kawalang katiyakan sa buhay.
Mas masahol pa, sa halip na baliktarin, ang malaking bahagi ng pagugubyerno at maging ang mga upisyal sa administrasyong Arroyo ay nagpapatuloy sa ilalim ng gubyernong Aquino. Unti-unting nahuhubdan ang mga palamuti at nalalantad ang gimik. Dahan-dahang naging bahaw at walang kahulugan ang mga mapanlinlang nitong islogan.